Naniniwala ang Malacañang na si Pangulong Rodrigo Duterte ang pinaka-epektibong endorser ng COVID-19 vaccine para maalis ang agam-agam at takot ng publiko sa bakuna.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque para makumbinsi ang taumbayan na ligtas ang COVID-19 vaccine na gagamitin ng gobyerno sa mga Pilipino.
Ayon kay Roque, nagboluntaryo na si Pangulong Duterte na unang magpabakuna para ipakita sa taumbayan na walang dapat na ikatakot sa COVID vaccine.
Gayunman, sinabi ni Roque na hindi kailangang ipakita sa publiko ang pagturok ng bakuna kay Pangulong Duterte.
Nasa pagpapasya aniya ng Pangulo kung gusto nitong saksihan ng buong sambayanan ang gagawing pagbakuna sa kanya.
Kasabay nito, sinabi ni Roque na nasa 24.6 million na mga Pilipino ang target ng pamahalaan na iprayoridad na mabigyan ng bakuna kontra COVID-19.
Ang Metro Manila, Metro Cebu at Davao na pasok sa “geographical priorities” o may mataas na kaso ang mga lugar na kasama sa vaccination.