Pangulong Duterte, pinamamadali na ang vaccine rollout para makabalik na sa eskwela ang nga estudyante

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinamamadali na niya ang vaccination program laban sa COVID-19 para makapasok na muli ang mga estudyante sa kanilang mga paaralan.

Sa kanyang talumpati sa Bulacan, sinabi ni Pangulong Duterte na nagdodoble kayod na ang pamahalaan sa pagsasagawa ng pagpapabakuna para mapawi na ang mga takot sa pagbabalik eskwela ng mga bata.

Pinuri rin ng Pangulo ang mga guro, magulang at mga estudyante dahil sa kanilang pagtitiis at pasensya habang tinutugunan ng gobyerno ang epekto ng pandemya.


Aminado ang Pangulo na hindi pa rin siya sang-ayon sa face-to-face classes dahil sa pangambang may batang mamatay dahil sa COVID-19.

Nagpapasalamat din si Pangulong Duterte sa Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga local government units (LGUs) para sa matagumpay na pagtatayo ng mga bagong paaralan.

Muling inulit ng Pangulo ang kanyang kautusan sa mga government agencies na tapusin ang mga government projects para matiyak na hindi maaabala ang publiko.

Facebook Comments