Inaatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na tiyaking maipatutupad ang brand agnostic o hindi pag-aanunsyo ng brand ng COVID-19 vaccine na gagamitin sa isang vaccination site upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, napansin kasi mismo ng Pangulo ang pagiging pihikan ng publiko pagdating sa bakuna.
Kung maaalala, dinagsa ng mga tao ang isang mall sa Parañaque noong Lunes sa pagnanais na maturukan ng bakunang gawa ng Pfizer.
Kasunod nito, umaapela ang Palasyo sa publiko na huwag mamili ng brand ng bakuna dahil ang lahat ng mga bakuna na mayroon tayo ngayon dito sa bansa ay ligtas at epektibo.
Paliwanag nito, lahat ng mga bakuna ay dumaan sa proseso at masusing pag-aaral ng mga eksperto kung kaya’t nabigyan ang mga ito ng Emergency Use Authorization (EUA) habang ang iba pa nga ay mayroong Emergency Use listing mula sa World Health Organization (WHO).
Aniya, utos ng Pangulo na ibigay ang Pfizer sa A1, A2, A3 at A5 category dahil ang mga ito ay mula sa COVAX Facility.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ng Pangulo na huwag dalhin sa alinmang mall vaccination site ang Pfizer bagkus ibaba ito sa Local Government Unit (LGU) na mataas ang kaso at kakaunti lamang ang mga nagpapabakuna.