Pangulong Duterte, pinayuhan ang human rights advocates na turuan ang publiko na iwasan ang ilegal na droga

Muling nagpaulan ng tirada si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa human rights advocates dahil sa patuloy na pagbibilang sa mga taong namatay sa kaniyang giyera kontra droga.

Sa kaniyang public address, pinayuhan ng Pangulo ang mga ito na magtrabaho sa punerarya.

Ayon sa Pangulo, tila mas concern ang mga human rights advocates sa mga pagpatay kaysa sa mga inosenteng nabibiktima ng droga.


Iginiit ng Pangulo na araw-araw may naiuulat na drug cases kung saan naaresto o napapatay ang mga drug suspects.

Tama rin aniya ang ginagawang kampanya ng human rights advocates kung saan binibigyang babala ang mga tao na mamamatay kapag nadawit sa droga.

Imbes na punahin ang war on drugs, hinimok ng Pangulo ang human rights groups na magsagawa ng education drive laban sa paggamit ng droga.

Dagdag pa ng Pangulo, karamihan sa mga drug traffickers ay hindi galing sa Pilipinas.

Muling inulit ng Pangulo ang kaniyang bantang papatayin ang drug dealers.

Nabatid na ‘mainit sa mata’ ng local at international human rights experts ang Duterte Administration dahil sa pamamaraan nito sa pagtugon sa mga banta sa pambansang seguridad at ilegal na droga na naresulta ng ilang human rights violations, kabilang ang higit 8,000 kataong namatay sa ilalim ng drug war.

Facebook Comments