Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III kung paano tanggapin ang mga kritisismo.
Matatandaang inulan ng batikos si Duque matapos ideklarang nasa “second wave” na ng coronavirus infection ang Pilipinas na kinalaunan ay binawi rin.
Sa televised address, sinabi ni Pangulong Duterte kay Duque na hindi dapat niya dinadamdam ang mga kritisismong ibinabato sa kaniya.
Hinimok niya ang kalihim na patuloy na manalig sa kanyang paniniwala.
Pero bago ito, tinanong ng Pangulo si Duque kung ano na ba ang tunay na estado ng COVID-19 sa bansa.
Sagot ni Duque ay nasa “first wave” ng “sustained community transmission” ang bansa.
Giit ni Duque na ang nauna niyang “second wave” declaration ay base sa artikulong inilathala ng Epidemiologist na si Dr. John Wong, isa sa mga expert advisers ng government task force.