Pangulong Duterte, posibleng maglabas ng kautusan hinggil sa price ceiling sa COVID-19 tests 

Maaaring maglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng kautusan na nagtatakda ng price ceiling sa presyo ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests na ginagamit para makapag-detect ng COVID-19. 

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi imposible kay Pangulong Duterte na mag-isyu ng executive order hinggil dito. 

Pero apela ni Roque sa healthcare facilities na nakatanggap ng donasyong testing equipment mula sa gobyerno o sa pribadong sektor na ibaba ang halaga ng COVID-19 test. 


“Ang panawagan po natin sa napakaraming laboratories, gobyerno po ang nag-donate o kaya pribadong sektor ang nag-donate ng makina at mga test kits, ibaba ninyo po ang mga presyo,” ani Roque. 

Bagamat batid ni Roque na gusto lamang nila na kumita, ipinanawagan niya na panahon ngayon na ibigay ang mga benepisyong nararapat sa taumbayan. 

Alam ko po may mga nagnanais sa inyo bagama’t non-profit kayo na kumita; huwag naman po. Ibigay na po natin sa taumbayan iyong benepisyopag kayo po’y nakatanggap ng libreng makina galing sa gobyerno at sa pribadong sektor o mga libreng mga testing kits. Iyon po talaga ang pangunahing pamamaraan para mapababa po ang halaga ng testing,” sabi ni Roque. 

Una nang inirekomenda ng Department of Health (DOH) ang paglalabas ng executive order para sa price regulation ng COVID diagnostic test. 

Facebook Comments