Pangulong Duterte, tinanggap na ang pagbibitiw sa puwesto ni Nayong Pilipino Executive Director Lucille Isberto

Kinumpirma ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resignation ni Nayong Pilipino Foundation (NPF) Executive Director Lucille Karen Malilong-Isberto.

Ayon kay Nograles, wala siyang personal knowledge hinggil dito pero dahil inihain ni Isberto ang kaniyang resignation kung kaya’t tinanggap ito ng Pangulo.

Matatandaang mariing tinututulan ni Isberto ang nakaambang konstruksyon ng mega COVID-19 vaccination facility sa Nayong Pilipino sa Parañaque City dahil nasa 500 mga puno ang kailangang putulin maipatayo lamang ang pasilidad.


Pero sinabi ni Nograles na tuloy ang konstruksyon ng naturang mega COVID-19 vaccination site at wala namang environmental concerns dito.

Giit pa ni Nograles kabahagi ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagpaplano ng proyekto at walang puno na maaapektuhan o puputulin.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na makeshift o mga tent lamang ang itatayo sa lugar, hindi permanente ang mga pasilidad na ito at pantugon lamang ito sa nagpapatuloy na problema ng bansa sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments