Buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa integridad ni Bureau of Customs (BOC) Chief Rey Leonardo Guerrero.
Sa kaniyang public address, aminado ang Pangulo na ikinonsidera niyang palitan si Guerrero makaraang hindi niya agad sinibak ang isang empleyadong nadadawit sa korapsyon.
Kinausap ng Pangulo si Guerrero na sibakin ang kaniyang dating Chief of Staff na si Teodoro Jumamil pero nagdahilan pa aniya ito.
Nagbabala pa ang Pangulo kay Guerrero tungkol kay Jumamil na itinuturing niyang ‘balasubas’ dahil sa paghawak ng dalawang pwesto sa pamahalaan.
Binanatan din ng Pangulo si Jumamil na sinamantala ang kanilang ugnayan pero hindi aniya siya makalulusot.
Hinggil sa mga alegasyon ng korapsyon laban kay Guerrero, hihintayin na lamang ng Pangulo ang accounting ng government funds.
Inatasan din ng Pangulo ang Department of Justice (DOJ) na silipin ang mga sinasabing anomaly sa BOC.
Samantala, tatalima ang BOC sa kautusan ni Pangulong Duterte na isapubliko ng mga ahensya ng gobyerno ang mga nagagastos nito kada 15 o 30 araw.
Ayon kay Customs Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, ang susi sa pagwaksi ng korapsyon ay transparency.
Bukas sila sa anumang pagbusisi ng disbursement process at nakikipagtulungan sila sa Commission on Audit (COA) para sa regular check.