Buo ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga COVID-19 vaccines na gawa ng China tulad ng Sinovac ay mahusay rin kagaya ng mga bakunang gawa ng western countries.
Ito ang pahayag ng Pangulo sa harap ng mga kritisismo hinggil sa bisa ng Chinese vaccine.
Sa kaniyang Talk to the Nation Address, pagtitiyak ng Pangulo na pinipili ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. ang mga bakunang ligtas at epektibo.
Mataas ang kaniyang kumpiyansa sa kakayahan ni Galvez lalo na sa pagbili ng mga bakuna.
Wala ring problema sa kaniya kung tumanggi ang mga taong nasa priority list na tanggapin ang libreng bakuna ng gobyerno.
Ibig sabihin aniya nito, mas maraming tao ang maaaring mabakunahan laban sa sakit.
Pero pagtitiyak ng Pangulo na magiging patas ang pamamahagi ng bakuna.
Sa ilalim ng vaccination program ng pamahalaan, ipaprayoridad sa bakuna ang mga health workers, senior citizens, indigent population at uniformed personnel.