Pangulong Duterte, tumangging pangalanan ang mga mambabatas na nauugnay sa ‘kickbacks’

Tumanggi si Pangulong Rodrigo Duterte na paimbestigahan at tukuyin ang ilang congressmen na umano’y nakakuha ng kickbacks mula sa project contractors.

Sa kanyang “Talk to the Nation Address,” sinabi ni Pangulong Duterte na wala siyang hurisdiksyon sa mga miyembro ng hiwalay na co-equal branch ng gobyerno.

Iginiit ng Pangulo na wala siyang magagawa pero ipasa ang listahan ng mga mambabatas sa Office of the Ombudsman para gawan ng hakbang.


Paglilinaw ng Pangulo na ang hindi niya pagsasapubliko sa pangalan ng mga dawit na congressman ay hindi nangangahulugang takot siya na isiwalat ang mga ilegal na aktibidad ng mga ito.

Ang listahan ng mga mambabatas na sangkot sa korapsyon sa public works projects sa kanilang distrito ay isinumite sa Pangulo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Kaugnay nito, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring isapubliko ng task force against corruptiuon ang pangalan ng mga mambabatas.

Matatandaang naglabas si Pangulong Duterte ng memorandum kung saan inaatasan ang Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang mga anomalya sa mga ahensya ng gobyerno hanggang sa katapusan ng termino ng Pangulo sa 2022.

Facebook Comments