Umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na mahihigitan siya ng susunod na magiging presidente ng bansa pagdating sa lahat ng aspeto.
Sa kaniyang talumpati sa pagbisita sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Agaton sa Pontevedra, Capiz, sinabi ng pangulo na dalangin niya ang mas magaling na susunod na presidente para sa kaniyang mga kababayan.
Hiniling din aniya ng pangulo na magtatagumpay ang bagong administrasyon sa pagsugpo sa communist insurgency.
Kasunod nito, muling hinikayat ng pangulo ang mga rebeldeng komunista na sumuko na sa pamahalaan.
Maaalalang noong bago pa lamang naupo sa pwesto ay sinubukan ng pangulo na makipag-ayos sa mga rebeldeng New People’s Army pero hindi na itinuloy noong 2017 matapos nitong akusahan ang kabilang grupo na hindi sinsero at patuloy na nagiging banta sa buhay ng mga inosenteng indibidwal.
Habang noong 2020 ay idineklara ng pangulo na wala nang magiging ceasefire sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA hanggang matapos ang kaniyang termino.