Nakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng Pilipino na manatiling magtiwala sa gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, iginiit ni Pangulong Duterte na hindi madali ang pagtugon sa COVID-19 lalo na at hindi mayaman ang bansa.
Dagdag pa ng Pangulo, ang mga mayayamang bansa ang unang nakakakuha ng supply ng bakuna dahil nasa kanila ang mga planta kung saan ginagawa ang mga bakuna.
Hinihingi rin ng Pangulo sa publiko na hayaan lang ang gobyerno na gawin ang trabaho at huwag agad maniwala sa mga alegasyon ng korapsyon.
Pagtitiyak ni Pangulong Duterte na sinisikap ng gobyerno na gawin ang trabaho nito.
Bukod dito, panawagan din ng Pangulo sa publiko na magtiwala kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na siyang nangangasiwa sa pagbili ng bakuna.
Ang mga vaccine deals ay hindi maisasapinal kapag hindi dumaan kay Finance Secretary Carlos Dominguez.
Una nang sinabi ng Malacañang na tatanggap ang Pilipinas ng nasa 250,000 doses ng COVID-19 vaccines mula sa COVAX facility at Sinovac ng China.