Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Antonio Trillanes IV na zero credibility na si Pangulong Rodrigo Duterte at bistado na ang mga kasinungalingan nito.
Reaksyon ito ni Trillanes sa pahayag ni Pangulong Duterte na may hawak itong listahan ng totoong mga bank accounts ng senador sa ibang bansa.
Diin ni Trillanes, walang ng pwede pang paniwalaan sa mga sasabihin ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Trillanes, ito ay makaraang aminin ng pangulo na imbento lang ang ilan sa mga ibinibintang na bank accounts sa kanya sa abroad.
Sa halip aniya na ipilit ni Pangulong Duterte na may mga bank accounts sya sa abroad ay makabubuting pumirma na lang ito ng waiver para ipakalkal ang kanyang mga savings account na naglalaman ng bilyun bilyong pisong halaga.
Dagdag pa ni Trillanes, hindi dapat gamitin ni Pangulong Duterte ang kapangyarihan ng gobyerno para siraan ang mga taga oposisyon at ilihis ang atensyon ng lahat mula sa isyu ng pagkakasangkot ng anak nitong si Vice Mayor Paolo Duterte sa smuggling ng droga.