Tiwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maaabot ang lahat ng pinaplano ng pamahalaan para sa bansa alinsunod sa itinakda nitong petsa.
Batay sa inilabas na vlog ng pangulo, sinabi nitong sa nakaraang unang linggo ng kanyang panunungkulan ay minarkahan na nila ang mga planong dapat na maabot sa mga susunod na buwan.
Kabilang dito ay ang mga napag-usapan sa kanilang cabinet meeting na may kinalaman sa pagtaas presyo ng langis, pagpapalakas ng food security, pagpapalawig ng vaccine campaign at ang mga hakbang na gagawin kaugnay ng napipintong pagbabalik na sa eskwelahan ng mga estudyante.
Binigyan diin ng pangulo na nakasisiguro siyang makakamit ang mga target na programa para sa bayan sa harap na rin ng tiwala nitong walang kakulangan sa galing ng mga Pilipino.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na walang imposible sa mga pangarap para sa bayan dahil nasa dugo aniya ng mga Pilipino ang pagiging magaling para makabangon sa anumang hamon.