Napansin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang masyadong maraming dapat na sagutan sa form na ginagamit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pagke-claim ng ₱10,000 financial assistance ng mga pamilyang nabiktima ng lindol.
Matatandaang nang tumungo ang Pangulong Marcos sa Abra ay personal nitong tiningnan ang proseso sa pamamahagi ng tulong habang nakita rin nito ang claim form sa pagbibigay ng ayuda.
Kwento ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, hindi nagustuhan ng pangulo ang masyadong maraming impormasyon na dapat ilagay sa form na para sa kaniya ay nagpapatagal sa pagkuha ng ayuda ng mga apektadong pamilya.
Ayon pa kay Sec. Tulfo, nang tingnan ng pangulo ang dokumento ay nahabaan ito at hindi naiwasang mapailing pa.
Kaugnay nito’y inihayag ng kalihim na nagbigay na siya ng instruction sa central office na bawasan ang kailangang impormasyon sa mga claimant at kung tutuusin ay uubra na aniya na pangalan at address lang ang ilagay at mula doon ay madali na sa Commission on Audit (COA) para ito ay ma-double check.