Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang United Nations (UN) na pangunahan ang panawagan at pag-aksyon ng iba’t ibang bansa laban sa matinding epekto ng climate change.
Ito ay sa gitna ng pagpupulong nina Pangulong Marcos Jr., at UN Secretary-General António Guterres sa 77th Session ng United Nations General Assembly (UNGA) High-Level General Debate.
Pinag-usapan ng dalawang lider ang pagpapalakas ng kooperasyon ng UN sa food security, agriculture, renewable energy, at climate change, na kabilang sa mga prayoridad ng administrasyong Marcos.
Inihayag din ni Pangulong Marcos ang pagiging bukas ng Pilipinas sa epekto ng global warming kahit napakaliit ng inilalabas nitong carbon emission.
Dahil dito, nanawagan ang pangulo sa iba’t ibang bansa na kasapi ng UN na bawasan ang kanilang carbon emission at magbigay ng technology transfer.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos na kailangang magkaisa ng mga bansa sa pangunguna ng UN para tugunan ang krisis sa climate change.