Binigyan ng palugit ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga e-bikes, e-trikes at iba pang apektadong sasakyan na dumadaan sa ilang kalsada sa Metro Manila.
Matatandaang epektibo na kahapon, April 17, ang parusa para sa mga lalabag sa polisiya na nagbabawal sa e-trikes, e-bikes, kuliglig, pedicab at iba pang kahalintulad na sasakyan sa pagdaan sa national roads sa National Capital Region (NCR).
Pero ayon sa pangulo, kailangan pang magbigay ng sapat na panahon para sa information dissemination hinggil sa ban na ipinapatupad.
Batay rin aniya sa rekomendasyon na natanggap ng pangulo, mananatiling bawal ang mga natukoy na sasakyan sa ilalim ng MMDA Regulation No. 24-022 series of 2024 sa mga piling pangunahing lansangan.
Sakop ng palugit ang hindi pag-ticket, pag-multa at pag-impound ng mga e-trike.
Bilin ng pangulo sa MMDA at mga lokal na pamahalaan, na kung paparahin ang mga e-bike at e-trike na walang maipakitang rehistro ng sasakyan at driver’s license, ay ipaalam muna ang mga kalsadang maaari nilang daanan, gayundin ang mga bagong patakarang ipinapatupad ng pamahalaan.