Pangulong Marcos Jr., inaasahang magiging isang “great president” – liderato ng Kamara

Tiwala ang liderato ng Kamara na magiging isang “Great President” si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang pahayag ng Kamara ay kaugnay na rin sa katatapos na inagurasyon at pormal na pag-upo ni Marcos bilang ika-17 Pangulo ng bansa.

Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, isang kahanga-hangang presidente si Marcos Jr., dahil sa ginawa nito sa kasaysayan na kauna-unahang “majority president” ngayong makabagong panahon.


Bukod dito, tiyak aniyang maraming mga katangi-tangi na gagawin si Marcos Jr. sa loob ng panahon ng kanyang panunungkulan na siyang ikararangal ng mga Pilipino.

Hangad aniya nila sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang lahat ng kabutihan para sa bagong Pangulo lalo ngayon na nahaharap sa mabigat na hamon ang pamahalaan mula sa pagbangon sa epekto ng pandemya.

Isa rin aniya sa malaking tungkulin ngayon ni Marcos Jr., kasama si Vice President Sara Duterte ay ang pagtupad sa pangakong pagkaisahin ang buong bansa.

Dalangin aniya ng Kamara na gabayan ng Panginoon ang Pangulo ng bansa patungo sa pagkakaisa at pagunlad ng buong sambayanan.

Facebook Comments