Kuntento si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa naging biyahe nito sa World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland.
Sa kanyang pahayag sa Filipino community sa Zurich, sinabi ng Pangulong Marcos na nagawa ng Philippine delegation ang lahat ng dapat nilang gawin sa taunang pagpupulong ng global business at political leaders.
Ayon sa pangulo, natutuwa siya dahil marami silang nakausap at nasimulan.
Sa pagbubukas ng WEF, ipinakilala ng Pangulong Marcos sa mga business at world leaders ang Maharlika Wealth Fund bilang financial portfolio ng Pilipinas.
Bukod dito, ibinida rin ng pangulo sa kanyang one-on-one na dialogue kay WEF President Borge Brende ang mababang unemployment rate sa bansa at dahil dito, kumpiyansa siyang lalago ang ekonomiya ng Pilipinas sa 6.5 percent ngayong 2023.
Binanggit din niya ang pagtutok ng administrasyon sa pagpapalakas ng Public-Private Partnerships at pagpapalakas ng Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs.
Ang Pangulong Marcos ay pauwi na ng Pilipinas at inaasahang darating sa bansa mamayang alas kwatro ng hapon.