Pangulong Rodrigo Duterte, hinamon ng Makabayan bloc na magsampa ng kaso sa korte laban sa kanila

Hinamon ng miyembro Makabayan bloc si Pangulong Rodrigo Duterte at ang iba pang opisyal ng gobyerno na magsampa ng kaso sa korte laban sa kanila, kung mapapatunayang sangkot sila sa grupo ng mga rebeldeng komunista.

Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Duterte sa Talk to the Nation address nito kagabi, kung saan kabilang sa mga ikinokonsiderang nasa likod ng communist rebel organization ay ang Makabayan bloc at iba pang progresibong grupo.

Ayon sa Makabayan bloc, itinuturing na “flawed” at “dangerous” ang pahayag ni Pangulong Duterte dahil nangangahulugan lamang ito ng pag-atake sa mga kritiko ng kaniyang administrasyon.


Kaya kung may sapat na ebidensiya anila, marapat na ilabas na ito ng pamahalaan matagal na panahon na ang lumipas.

Samantala, itinuturing ng Communist Party of the Philippines (CPP) na isang malaking komedya ang idinadaos na human rights summit ng Department of Justice (DOJ).

Sa isang pahayag, sinabi ng CPP na isa lamang hakbang ang summit na pagtakpan ang record ng Duterte administration sa mga naganap na extrajudicial killings at political repression.

Nakakahiya rin anila na nagpadamay pa ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa naturang summit.

Nabatid na una nang idineklara ni Pangulong Duterte ang CPP-NPA bilang terrorist organization ngunit isang petisyon ang nakabinbin sa korte na humihiling na mapawalang bisa ang ginawang red tagging sa kanila.

Facebook Comments