Posibleng bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong weekend ang burol ng apat (4) na mga nasawing miyembro ng Philippine Army Intelligence Unit matapos nilang makasagupa ang mga pulis sa Jolo, Sulu kamakailan.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Vice Chairman at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, kasabay nito kakausapin din ni Pangulong Duterte ang mga commander ng AFP at PNP sa Western Command upang mabatid kung ano talaga ang totoong nangyari.
Kung may sapat na panahon pa aniya ang Pangulo, kakausapin din nito ng personal ang siyam (9) na pulis na diumano’y nagpaputok sa apat (4) na army personnel kasama na ang isang police major.
Kasunod nito, tiniyak ni Sec. Año na maigagawad ang hustisya sa mga nasawing militar.
Sa ngayon, hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon na isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI), maging ng parallel investigation na ginagawa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Sa inisyal na imbestigasyon, nagsasagawa ng intel operations ang apat na nasawing militar nang parahin sila ng mga pulis, tumakas umano ang mga sundalo dahilan upang sila ay paputukan ng mga pulis at mapatay.
Sinasabi ng mga pulis na self-defense lamang ang kanilang ginawa.
Pagkatapos ng insidente, agad ipinag-utos ni Año na disarmahan at ikostodiya ang mga sangkot na pulis.