Inaasahang isusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang global solidarity sa pagtugon ng buong mundo laban sa COVID-19 pandemic.
Ito’y kaugnay ng gagawing pakikilahok ng punong ehekutibo sa special session ng United Nations General Assembly (UNGA) on the COVID-19 pandemic.
Bukod sa pagkakaisa ng mga bansa sa buong mundo na sabay-sabay labanan ang pandemya ay inaasahang ilalatag din ng Pangulo ang universal access sa anti-COVID-19 technologies gayundin ang katiyakang dapat may bakunang nakalaan para sa mga developing countries.
Matatandaang sa isinagawang high-level General Debate sa 75th session ng UNGA na ginawa nitong nakaraang Setyembre ay binigyang diin ng Pangulo na hindi dapat mapagkaitan ng bakuna ang mga mahihirap na bansa at sa halip, dapat aniya itong maipagkaloob sa lahat bilang polisiya.
Ayon sa Pangulo, dapat ikonsidera ang bakuna sa COVID-19 bilang global public good na dapat maibigay hindi sa iilan kundi para sa lahat.