Pangulong Rodrigo Duterte, nagbigay ng ultimatum hinggil sa pagbibigay ng sick and death benefits sa mga frontliners na tinamaan ng COVID-19

Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ultimatum ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para ibigay ang atrasadong kompensasyon para sa mga tinamaan at nasawing health workers dahil sa COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hanggang Martes o hanggang sa June 9, 2020 ang ibinibigay na palugit ni Pangulong Duterte.

Nabatid na nakarating mismo kay Pangulong Duterte ang reklamo na hindi pa natatanggap ng ni-isang health worker ang kanilang benepisyo, tatlong buwan na ang nakakaraan matapos maipasa ang Bayanihan to Heal as One Act.


Salig sa batas, P100,000 ang ibibigay sa mga health workers na tinamaan ng COVID-19 at isang milyong piso naman sa mga naulilang pamilya ng nasawing medical health workers.

Kwento ng kalihim, ngayon lamang nya nakitang uminit ng husto ang ulo ng Pangulo at galit na galit matapos matanggap ang nasabing balita.

Kasunod nito, nagbabala si Roque sa mga concerned agencies na agad kumilos at ibigay ang mga nararapat na benepisyo sa mga health workers na patuloy na nagsasakripisyo ng kanilang buhay upang mailayo lamang sa panganib ng COVID-19 ang bansa.

Facebook Comments