Labis na ikinalungkot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyaring ‘misencounter’ sa Jolo, Sulu sa pagitan ng pulis at sundalo kung saan apat (4) sa mga sundalo ang nasawi.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, inutos ni Pangulong Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) na pabilisin ang isinasagawa nilang imbestigasyon.
Kasunod nito, ipinaalam na rin ng Pangulo kay Interior Secretary Eduardo Año na may hurisdiksyon sa Pambansang Pulisya na nais niyang makausap nang personal ang siyam (9) na pulis na di umano’y nagpaputok sa apat (4) na Army personnel kasama ang isang Police Major.
Maliban dito, gusto rin ni Pangulong Duterte na bisitahin ang kanyang mga kawal sa Sulu na ngayon ay mababa ang morale.
Umaasa rin aniya ang Pangulo na ito na ang huling misencounter sa pagitan ng government forces sa ilalim ng kanyang administrasyon.