Pangulong Rodrigo Duterte, nanawagan ng pambansang pagkakaisa ngayong pagtatapos ng Eidl Fitr

Manila, Philippines – Nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte ng pakiki-isa sa Muslim Filipino community sa pagdiriwang ng Eidl Fitr.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Duterte na ang unang araw ng buwan ng Shawwal ay nagdudulot ng labis na kaligayahan sa mga kapatid nating Muslim.

Ito aniya ay sumasagisag sa matagumpay na paglalakbay tungo sa pagkadalisay ng kaluluwa sa pamamagitan ng isang buwang pag-aayuno.


Sinabi pa ng Pangulo na huwag kalimutang magpasalamat kay Allah sa pagbibigay sa bawat isa ng lakas, katatagan at tibay ng loob na sundin ang kanyang kautusan sa panahon ng Ramadan.

Ayon pa kay Pangulong Duterte, ang panibagong sigla ng pananampalataya ng mga Pilipino ay nagbigay ng lakas para linangin ang ating komunidad.

Kaugnay naman nito, nanawagan si P-Duterte para sa pambansang pagkakaisa.

Aniya ang pag-aalay ng ating buhay para sa kapakanan ng sangkatauhan ang pinakadakilang paraan upang ipakita ang debosyon sa diyos.

Nanawagan din ang Pangulo para sa pagtutulungan ng lahat para maitayo ang isang lipunang naka-base sa pagmamahalan, pagkakaunawaan at paggalang sa isa’t isa.

Facebook Comments