Pinayagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng mga digital na pagbabayad para sa mga disbursement at koleksyon ng pamahalaan.
Ito ay batay sa inilabas na Executive Order 170, kung saan sumasaklaw sa lahat ng departamento o ahensya ng gobyerno, kabilang din ang mga state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations at local government units (LGUs).
Ang naturang EO ay nag-uutos sa mga ahensya na gamitin ng ligtas at mahusay ang digital disbursement sa pagbabayad ng mga produkto, serbisyo at iba pa, kabilang ang pamamahagi ng tulong pinansyal, gayundin sa pagbabayad ng mga suweldo, sahod, allowance at iba pang kabayaran sa mga empleyado.
Dagdag pa, pinahihintulutan ng EO 170 ang mga sakop na ahensya na direktang maglabas ng mga pondo sa mga account ng transaksyon ng mga tatanggap o benepisyaryo, hawak man sa gobyerno o pribadong institusyong nang hindi nangangailangan ng espesyal na pagsasaayos mula sa kinauukulang institusyong pinansyal.
Maaaring gamitin din ang mga pasilidad ng government servicing banks tulad ng advice to debit account o interoperable electronic fund transfers.