Manila, Philippines – Pormal nang naghain ng reklamo sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands ang abogado ni self-confessed Davao Death Squad hitman Edgar Matobato laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa labing isang iba pa dahi sa crimes against humanity.
Sa 77 pahinang reklamo ni Sabio, binigyan diin nito ang nagpapatuloy na “mass murder” sa Pilipinas.
Kitang kita naman aniya ito sa pamamalakad ngayon ng administrasyon lalo na sa laban sa kriminalidad at iligal na droga.
Dagdag pa ni Sabio, kailangan na nilang dumulog sa ICC dahil wala namang pag-asa na magkaroon ng patas na imbestigasyon sa Pilipinas ukol dito.
Humiling din si Sabio sa International Court na magpalabas ng warrant of arrest ang ICC laban kay Pangulong Duterte at kanyang mga opisyal.
Kabilang sa mga inireklamo ay sina Justice Sec. Vitaliano Aguirre, PNP Chief Ronald Dela Rosa, House Speaker Pantaleon Alvarez, dating DILG Sec. Ismael Sueno, Police Supt. Edilberto Leonardo, NBI Dir. Dante Gierran, Solicitor General Jose Calida, Senators Richard Gordon, Alan Peter Cayetano at ilan pang mga pulis.
Nabatid na inaakusahan ang mga nabanggit na kakuntsaba ni Pangulong Duterte sa pagtatakip at pagbabalewala sa mga kaso ng extra judicial killings.
DZXL558