Umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na ang susunod na administrasyon ay mas mainam sa lahat ng aspeto ngayong dalawang buwan na lang bago matapos ang kaniyang termino.
Ito ang kaniyang sinabi sa kaniyang pagbisita sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Agaton sa Pontevedra, Capiz.
Ayon sa punong ehekutibo, pinagdarasal ang mas mainam na administrasyon para sa ating mga Pilipino.
Dagdag pa nito, umaasa rin si Duterte na matutuldukan ng susunod na presidente ang insurhensiya ng mga makakaliwang grupo.
Kaugnay nito, hinihikayat pa rin ng pangulo ang mga rebeldeng komunista na sumuko na.
Mababatid na sinubukan ni Duterte na makipagkasundo sa mga rebelde ngunit nabigo siya matapos akusahan nito ang mga ito noong 2017 ng kabiguang magpakita ng sinseridad na tapusin ang karahasan.
Noong December 2020 ay idineklara nito na wala nang magaganap na ceasefire sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army hanggang matapos ang kanyang termino.