Pangulong Rodrigo Duterte, walang immunity sa mga kaso kahit pa manalong bise presidente

Hindi kumbinsido ang ilang mga kongresista na makakalusot sa kaso si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling tumakbo at manalo itong bise presidente sa 2022.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, nagkakamali ng paniniwala si Pangulong Duterte dahil tanging ang presidente lamang ang may immunity sa mga kaso.

Isa pa sa duda ni Lagman na posibleng ang tunay na intensyon ng punong ehekutibo ay maging Pangulo muli sa sandaling bakantehin ang posisyon ng mahahalal na presidente sa 2022.


Binanatan din ng mga kongresista ng Makabayan bloc ang target ni Pangulong Duterte na vice presidency para sa immunity.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, kahiya-hiya ang ganitong pag-iisip ng pangulo.

Hindi aniya dapat hayaan ng mga Pilipino na maluklok si Duterte sa pangalawang pinakamataas na posisyon na aminado pa itong gagamitin lang para takasan ang pananagutan.

Tinawag naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na desperado ang presidente kaya dahil sa takot na makasuhan ay tatakbong bise presidente.

Facebook Comments