Manila, Philippines – Walang galit ang mga magulang ni Kian Delos Santos kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Vitallano Aguirre matapos ang may dalawang oras na pulong ni Pangulong Duterte kina Saldy at Lorenza Delos Santos sa Malacanang.
Ayon kay Aguirre, idinulog ng mga magulang ni Kian kay Pangulong Duterte ang kanilang pangunahing pangangailangan na malugod naman aniyang tinugunan ni Pangulong Duterte tulad ng seguridad dahil natatakot aniya ang mga ito sa gabi dahil wala silang kasama sa kanilang tinutuluyan.
Idinulong din aniya ng magasawang Delos Santos ang pangangailangan ng bagong tirahan, puhunan sa negosyo para hindi na magtrabaho sa labas ng bansa si ginang Delos Santos.
Nagpaliwanag din aniya si Pangulong Duterte sa magasawa kung bakit hindi siya nakapunta sa burol ng binatilyo dahil siya ang commander ng Philippine National Police at hindi pa tapos ang imbestigasyon ng NBI sa nasabing kaso.
Pero naniniwala aniya si Pangulong Duterte na may pagkakamali ang mga sangkot na pulis pero hindi aniya pangungunahan ng Pangulo ang ginagawang imbestigasyon.
Kasama sa pulong kanina ay sina Public Attorneys office chief Percida Acosta at VACC chairman Dante Jimenez.