Hinikayat ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang economic team ng Malacañang na pag-aralan ang pangungutang para mapondohan ang ipatutupad na Economic Recovery Program ng pamahalaan.
Mensahe ito ni Pangilinan kasunod ng panawagan ni Finance Secretary Sonny Dominguez sa Senado na ipasa agad ang panukalang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA).
Ikinatwiran ni Dominguez na ang makokolektang sa bagong buwis ay gagamitin sa pagbangon ng ating ekonomiya matapos ang matinding pinsala dulot ng COVID-19 crisis.
Nauunawaan ni Pangilinan na may pangangailangan para makakalap ng pondo ang gobyerno para magamit sa muling pagpapasigla ng ekonomiya.
Pero nababahala si Pangilinan sa magiging epekto ng ipapataw na bagong buwis sa mga negosyo na ngayon ay nanganganib na mabangkarote at magsara.
Nag-aalala rin si Pangilinan sa ibubunga ng bagong buwis sa mga indibidwal na nawalan ng trabaho o lumiit ang kita.