Nalulungkot ang Joint Task Force COVID-19 Shield sa mga pangungutya mula sa publiko partikular sa netizens dahil sa akusasyon sa Philippine National Police (PNP) na double standard sila sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) Guidelines.
Kasunod ito ng isyu sa selebrasyon ng kaarawan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Debold Sinas nitong May 8, 2020 na umano’y may paglabag sa quarantine protocols.
Ayon kay JTF COVID-19 Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar, hindi patas para sa buong PNP ang mga akusasyon lalo’t maraming mga pulis ang nagsasakripisyo ngayon sa mga quarantine control points para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Hindi raw deserve ng mga pulis na ito ang pangungutya ngayong panahon.
Kaugnay nito, suportado naman ng JTF COVID Shield ang aksyon ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na imbestigahan ng PNP-IAS ang isyu ni NCRPO Chief Sinas.
Hangad din ni Eleazar na ang insidenteng ito ay magsilbing aral sa lahat ng public servants na maging maingat sa kanilang aksyon at desisyon lalo ngayong may krisis dahil sa COVID-19.