Panibagong alert level status ng Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, pagpupulungan ngayong araw ng IATF

Magpupulong ngayong araw ang Inter-Agency Task Force (IATF) para talakayin kung ano ang magiging bagong alert level classification ng bansa sa Pebrero 16 hanggang 28.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, nakadepende ang bagong alert level status ng National Capital Region sa sitwasyon ng COVID-19 sa rehiyon.

Sa ngayon aniya, kinakailangan pang bantayan ang sitwasyon ng NCR lalo na’t nagsisimula na ang iba’t ibang aktibidad kagaya ng pangangampanya para sa May 9 elections.


Ipinaliwanag ni Año na posibleng tumaas ulit ang healthcare utilization sa NCR kung mamadaliin ang pagbababa sa Alert Level 1.

Sa kasalukuyan kasi, mataas pa rin ang Average Daily Attack Rate (ADAR) ng Metro Manila na nasa 10.8 at kinakailangan muna aniyang mapababa ito sa 7 upang matiyak na ligtas nang ibaba sa alert level 1 ang NCR.

Sinabi naman ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group na kailangan munang paigtingin ang bakunahan sa rehiyon at mas makabubuting sa marso na lamang ibaba ang NCR sa Alert Level 1.

Facebook Comments