Panibagong autopsy, hiling ng pamilya Dacera sa pamahalaan

Hiniling ng kampo ng nasawing flight attendant na muling isailalim sa post-mortem examination mula sa independent medico legal ang bangkay ni Christine Angelica Dacera dahil sa hindi sila sang-ayon sa mistulang natural death lang ang lumabas sa death certificate.

Sa ginanap na press conference sa San Juan, Greenhills, sinabi ni Atty. Brick Reyes, ang nagsilbing Spokesperson at malapit na kabigan ng pamilya Dacera, na hindi sila pumapayag na ang nakalagay sa cause of death ay ‘ruptured aortic aneurysm’ at hindi specific na inilagay sa ang mga nakitang ‘hematoma, contusions, bruises at abrasions’ na pinaniniwalaan nilang nag-trigger para atakehin ng aneurysm ang biktima.

Kinuwestiyon din nila kung bakit hindi kumpleto ang findings kaya kinunan ng litrato ang mga pasa at sugat na tinamo ng biktima nang siya ay i-sexual assault dahil nakita naman na may lacerations at positibong ginahasa ang biktima dahil sa nakitang semilya.


Kasama rin sa pinag-aaralan pa ng mga abugado ng pamilya Dacera ang sinasabing nilagyan ng droga ang inumin ng biktima.

Hindi muna aniya maaring pangalanan ang nasa 11 ipinagharap ng reklamong Rape with Homicide sa Makati Prosecutor’s Office at hindi rin maaring pag-usapan sa pulong ang merito ng kaso bagama’t sinabi ni Atty. Reyes na maliban sa 11 respondents, may 7 pang indibidwal na hindi pa natutukoy ang pagkilanlan na dapat maisalang sa imbestigasyon at masampahan ng reklamo sa piskalya.

May hawak aniya, silang mga litrato ng 7 kaya posibleng madali na silang makilala kahit walang mga pangalan.

Bukod dito, sinabi ni Atty. Brick Reyes na bukod sa sampu katao na magkakasamang nagparty sa room 2207, may pitong lalaki rin sa room 2207 kaya naniniwala sila na ‘accountable’ rin ang City Garden Hotel, kung saan naganap ang New Year’s Party, dahil sa paglabag sa pinaiiral na health protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) lalo’t kasama ang hotel sa talaan ng ginawang quarantine facility.

Naniniwala si Atty. Reyes na may higit sa sapat na ‘probable cause’ para maisulong sa korte ang kaso tulad ng pagkakaroon ng sexual assault, paglalagay ng droga sa inumin ni Christine at ang mismong bangkay nito na nakitaan ng injuries.
Kinuwestiyon din nina Atty. Reyes, kasama ang mga legal counsel ng pamilya na sina Atty. Paolo Tuliao, at Atty. Jose Ledda III, ang isa sa umanong kasama sa party na pinayagang makauwi ng Makati Police at hindi maisama sa sinampahan ng reklamo.

Hihilingin nila ang paliwanag mula sa Makati Police hinggil sa pagpayag na makaalis ang isa sa dapat umanong kasamang iniharap sa inquest proceedings.

Facebook Comments