Kinuwestiyon ni Vice President Leni Robredo ang panibagong banta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Matatandaang deretsang sinabi ng Pangulo na hindi niya papayagang makapag-operate ang media network kahit pa mabigyan ito ng bagong prangkisa.
Pero maliban na lamang aniya kung mababayaran ng kompanya ang aniya’y “unpaid taxes” nito sa gobyerno na una nang pinabulaanan ng Bureau of Internal Revenue.
Ayon kay Robredo, nakakalito dahil tila baligtad ang sinasabi ngayon ng Pangulo sa matagal na panahong pinanindigan ng Malacañang na wala siyang kinalaman sa kanselasyon noon ng prangkisa ng ABS-CBN.
Aniya, tila kinukumpirma ng mga pahayag ngayon ni Pangulong Duterte ang espekulasyon ng marami hinggil sa pagkakasara ng network.
“Noong pinag-uusapan ito sa Congress, parang si Secretary Roque ang nagsabi na hands off si Presidente. Ngayon parang baliktad. Parang baliktad na sinasabi na kahit bigyan, sisiguraduhin na hindi makakapag-operate habang hindi pa binabayaran yung taxes,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.
“Parang pinanindigan nila for a very long time na walang kinalaman si Presidente sa pag-cancel nung prangkisa kasi Congress lang iyon, tapos ngayon baligtad yung sinasabi,” saad niya.
“Parang kino-confirm lang yung pagduda ng marami dati. Pero yun nga, yung sinasabi ng spokesperson, iba sa sinasabi ng principal,” dagdag pa ng pangalawang pangulo.
Noong nakaraang taon nang ibasura ng Kamara ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa dahil sa mga alegasyong gaya ng hindi pagbabayad ng buwis, dual citizenship ng chairman emeritus nitong si Eugenio “Gabby” Lopez III, kabiguang mag-regular ng mga empleyado at biased reporting.
Samantala, nito lang Enero nang magsumite ng panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN sina Batangas 6th District Rep. Vilma Santos-Recto at Senate President Vicente Sotto III.
Pero ayon sa kaalyado ng Pangulo na si House Speaker Lord Allan Velasco, sa susunod na Kongreso pa posibleng matalakay ang panukala.