Isasailalim sa forensic examination ang mga panibagong matataas na kalibre ng baril, pampasabog at mga bala na narekober ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group sa compound ni dating Negros Oriental Gov. Henry Teves sa HDJ Agri-Venture Corp. sa Sta. Catalina, Negros Oriental.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., titingnan ang mga serial number ng mga baril, kung may lisensya ito, kung saan nabili at kung bakit nabentahan ng mga ganoong klase ng mga baril ang mga Teves.
Sa ngayon, isa ani Azurin ang malinaw, hindi dapat nandoon ang mga ganoong matataas na kalibre ng baril.
Habang ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga nakumpiskang baril lalo na ang sniper rifle at ang ipinagbabawal na improvised Explosive Device o IED ay malinaw na may binabalak na gawing masama kung sino man ang nagmamay-ari nito.
Sinegundahan naman ito ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Andres Centino at sinabing sa pamamagitan pa lamang ng dami at klase ng mga matataas na uri ng armas ay maaari ng masabi na ginamit ang mga ito sa iligal na aktibidad.