Panibagong bugso ng oil price rollback, bubungad sa mga motorista sa susunod na linggo

Asahan sa susunod na linggo ang panibagong bugso ng bawas-presyo sa produktong petrolyo.

Batay sa oil industry source, maglalaro sa ₱1.50 hanggang ₱2.00 ang inaasahang mababawas sa kada litro ng diesel habang papatak naman sa ₱0.20 hanggang ₱0.60 ang tapyas sa kada litro ng gasolina.

Ayon sa naman sa pagtaya ni Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) director Rino Abad, nasa higit ₱1.00 ang posibleng tapyas sa kada litro ng diesel at kerosene, habang mas mababa sa piso naman ang bawas sa posibleng presyo ng gasolina


Dagdag pa ni Abad, kung hindi humina ang halaga ng piso kontra dolyar ay mas malaki sana ang rollback sa susunod na linggo.

Asahan naman na mag-aanunsyo ng opisyal na price adjustment ang mga kompanya ng langis sa araw ng Lunes na ipatutupad naman ito sa Martes.

Batay sa huling datos ng DOE, tumaas na ng ₱16.95 ang kada litro ng gasolina ngayong taon, ₱36.25 naman sa diesel at ₱31.60 para sa kerosene.

Facebook Comments