Ibinulgar ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na malaki ang kinikita ng Maynilad at Manila Water kaya hindi na kakailanganin ang panibagong dagdag na singil sa tubig.
Ayon kay Atienza, umabot sa ₱138 Billion ang kita ng dalawang water concessionaires mula 2006 hanggang 2019.
Ang profit na ito ng Maynilad at Manila Water ay galing din sa 20% environmental charge at 30% sewer charge na kanilang sinisingil sa mga consumers.
Dahil dito, hindi dapat magpatupad ng water rate increase ang dalawang water concessionaires lalo na ang bantang 780% na dagdag singil sa tubig na ikinakatwiran na para sa pagtatayo ng sewerage at wastewater treatment facility.
Giit ni Atienza, matagal ng pinagkakakitaan ng dalawang kumpanya ang publiko at dapat ay may naitayo ng pasilidad para sa sewage treatment dahil ilang taon na itong sinisingil sa mga consumers.
Patunay pa aniya ang malaking kinikita ng Maynilad at Manila Water dahil sa ₱49 Billion reward na ipinamahagi nito bilang cash dividends sa mga stakeholders.