Naihain na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang panibagong diplomatic protest laban sa China.
Sa Twitter post, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na naipadala na ang diplomatic protest.
Aniya, Maganda ang pagkakasulat nito pero hindi makikita ninuman, maliban lamang sa Senate at House Foreign Relations Committees.
Una nang ipinag-utos ng kalihim ang paghahain ng panibagong diplomatic protest laban sa Tsina kaugnay sa namataan kamakailan na mahigit sa 200 Chinese vessels sa West Philippine Sea.
Ito ay alinsunod na rin sa ulat ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) kasabay ng pagsasabing binago na nito ang kanyang polisiya at kikilos siya ayon sa kahilingan ng NTF.
Naiulat kahapon ng NTF-WPS na may anim na Chinese navy, kabilang na ang 3 barkong pandigma nito na namataan sa West Philippine Sea.
Bukod pa sa dalawang People’s Liberation Army Navy vessels sa Bajo de Masinloc at 240 na namataan sa paligid ng territorial waters ng bansa tulad ng Kalayaan sa Palawan at sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.