Panibagong ECQ, minaliit ng Makabayan

Minaliit ng mga kongresista ng Makabayan Bloc ang pagsasailalim muli sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na lugar sa isang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) na nagsimula ngayong araw hanggang sa Abril 4.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate, ang pagsasailalim na naman sa ECQ ng NCR Plus ay patunay lamang ng kapalpakan ng administrasyong Duterte sa pagtugon sa pandemya.

Giit ni Zarate, mauulit lamang ang inefficient at ineffective lockdowns noong nakaraang taon dahil hindi naman tinutugunan ng gobyerno ang panawagan para sa mass testing, agresibong contact tracing at agarang isolation at gamutan sa mga nagkakasakit ng COVID-19.


Para naman kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, sa halip na “Holy Week” ay magiging “Horror Weak” ang isang linggong penitensya lalo na sa mga mapipilitang magsara ng negosyo, tumigil sa trabaho at mga informal workers na may limitado lamang na kita.

Nababahala naman sina Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite at Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago dahil walang maibigay na kasiguraduhan ang gobyerno para sa ayuda ng mga mahihirap na aabutin na naman ng gutom sa panibagong pagpapatupad ng ECQ.

Facebook Comments