Nanawagan si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate sa pamahalaan na lumikha ng panibagong Electric Power Law kapalit ng pagbasura sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law.
Giit ni Zarate, sa halip na matulungan ng EPIRA Law na mapababa ang halaga ng kuryente at mapabuti ang serbisyo para sa patas na kumpetisyon at episyenteng electricity industry ay tila kabaligtaran pa ang nangyayari.
Aniya, ang EPIRA Law pa ang nagdala ng mas mataas na power rate at iba pang problema kung saan pinakadehado ang mga power consumer.
Kailangan na aniya ng panibagong “electric power law” o panibagong batas na magpapahintulot na ipaubaya na sa gobyerno ang pag-aari at konstruksyon ng mga planta ng kuryente.
Sa bagong batas ay kailangan ding matiyak na mapapalakas ang power industry at hindi lamang tututok sa “profit” o kita, upang makapagbigay ng mas maayos na serbisyo sa publiko.
Umaasa naman si Zarate na susuportahan ng liderato ng Kamara ang panawagang ibasura na ang EPIRA Law.