Panibagong importasyon sa asukal, tinawag na “economic sabotage” ng isang kongresista

Tinawag ng isang kongresista na “economic sabotage” ang nangyayari sa bansa dahil sa panibagong importasyon sa raw sugar.

Nananawagan si Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa Office of the Ombudsman, Department of Justice (DOJ), at sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang walang kontrol na importasyon sa sektor ng agrikultura.

Ikinadismaya ng kongresista ang kautusan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na payagan ang importasyon ng 200,000 metric tons ng asukal na aniya’y sapat naman ang produksyon sa bansa.


Aabot aniya sa 1.2 million metric tons ang production ng raw sugar sa bansa ngayon kumpara sa 900,000 metric tons noong nakaraang taon.

Patunay rin aniya ng magandang produksyon ng asukal ang murang presyo nito sa merkado at hindi rin apektado ang sektor na ito ng nagdaang pananalasa ng Bagyong Odette.

Dahil dito, wala aniya sa katwiran ang pagpayag na mag-import ng raw sugar mula sa ibang bansa.

Mistula aniyang sinasabotahe ng SRA at Department of Agriculture (DA) ang sariling sugar industry, kasama na rito ang planters, mga sakada, at mga manggagawang bukid.

Facebook Comments