Iginiit ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na hindi dapat makaapekto sa kooperasyon ng Pilipinas at China ang pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal sa pagitan ng China Coast Guard (CCG) at mga Pilipinong mangingisda.
Sinabi ni Huang na sa nakaraang pagbisita sa China ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay nagkasundo ito at si Chinese President Xi Jinping na pag-ibayuhin pa ang people to people exchanges at tourism cooperation ng dalawang bansa.
Umaasa ang Chinese envoy na makakatulong sa mutual trust sa pagitan ng China at Pilipinas ang maraming people to people exchanges at mapapawi ang anumang misunderstanding.
Aniya sa pamamagitan din nito ay mas lalong mapapaigting ang tradisyonal na pagkakaibigan at kooperasyon ng dalawang bansa.
Kinumpirma rin ng Chinese ambassador na mas maraming Chinese na turista ang bibisita sa Pilipinas ngayong nagsimula na muli ang outbound travels.