Panibagong kaso ng Patient-under-Investigation sa Cagayan Valley, Naitala ng DOH Region 2

*Cauayan City, Isabela*- Muling nakapagtala ng panibagong kaso ng Patient-under-Investigation ang Department of Health Region 2 matapos makitaan ng ilang sintomas ng hinihinalang sakit na Corona virus (COVID-19).

Sa pinakahuling datos ng DOH, isang 35 anyos na lalaki mula sa Bayan ng Alicia ang nakitaan ng sintomas ng nasabing sakit matapos umuwi sa Pilipinas nito lamang Linggo mula sa bansang Macau.

Ayon sa tanggapan ng Health Education and Promotion ng DOH, isinailalim na sa pagsusuri ang lalaki na nasa isolation room sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City.


Hinihintay na lamang ang magiging resulta ng isinagawang laboratory test sa lalaki.

Muli namang nagpaalala ang DOH-Region 2 sa publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon kaugnay sa COVID-19 sa panahong laganap ang mga balita at sabi-sabing kumpirmasyon na walang opisyal na basehan.

Facebook Comments