Inireklamo agad ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Chinese Ambassador ang panibagong insidente ng panghaharass ng Chinese Coast Guard.
Pahayag ito ng kalihim matapos ang matagumpay na resupply Mission kahapon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Aniya, hindi naman hinarang ng Chinese Coast Guard sa pagkakataong ito ang mga supply boat ng Pilipinas, katulad ng kanilang ginawang ng pagbomba ng water cannon sa mga ito nang magtangka na magdala ng supply sa BRP Sierra madre nitong November 16.
Pero sa pagkakataong ito, sinabi ng kalihim na may Chinese Coast Guard vessel na umaaligid sa lugar na nagpadala ng 3 tauhan na sakay ng rubber boat para kunan ng litrato at video ang pagdidiskarga ng mga supply sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa kalihim, itinuturing niya ito bilang isang paraan ng pananakot at pangha-harass.
Gayunpaman ay hindi naman humantong sa untoward incident ang pangyayari.
Kapag natapos na aniya na maidiskarga ang mga supply ay babalik din sa Oyster Bay sa Palawan ang mga supply boat.