
Inihain pa sa Senado ang isang panukalang batas na layong alisin na ang binabayarang travel tax para sa mga turistang Pilipino na lalabas ng bansa.
Oras na maisabatas ang Senate Bill 1843 na inihain ni Senator Kiko Pangilinan, tatanggalin ang travel tax na naipatupad sa ilalim ng naamyendahang Presidential Decree No. 1183 at sa Republic Act No. 9593 o ang Tourism Act of 2009.
Tinukoy ng senador na sa pagpapababa ng gastusin ng mga kababayang bumabyahe sa labas ng bansa ay inaasahang aangat ang bilang ng mga pasahero at tataas din ang paggastos sa transportasyon, accommodation, pagkain at serbisyo at magdudulot ng pagsigla sa ekonomiya.
Naniniwala si Pangilinan na ang pagtaas sa travel activity ay magpapalakas sa people-to-people exchanges at susuporta sa posisyon ng Pilipinas bilang isang competitive at accessible na destinasyon.
Sa kasalukuyan ay nagbabayad ng P2,700 na travel tax ang mga first-class na pasahero at P1,620 naman para sa economy class, na nagpapahina sa abilidad ng mga Pilipino na makapaglakbay.










