Panibagong pisong taas-pasahe sa jeep, inaprubahan ng LTFRB ayon sa Pasang Masda

Kinumpirma ng grupong Pasang Masda na inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pisong dagdag sa minimum na pasahe sa jeep.

Kasunod ito ng isinagawang pagdinig kahapon ng LTFRB hinggil sa hirit na P4 hanggang P5 dagdag-pasahe sa jeep ng ilang transport group.

Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, magiging P11 na pamasahe sa jeep oras na ito ay maging epektibo.


Aniya, magandang indikasyon ito upang hindi tumigil sa pamamasada ang mga jeepney driver pero aminadong kulang pa rin dahil hindi naman aniya tumitigil ang halos lingguhang taas-presyo sa langis.

“Kahit ho sa isang araw e [makapagsakay] ang driver ng 300 pasahero or 250, additional P250 yan para maibsan ang presyo ng petroleum product,” saad ni Ka Obet.

“Alam po ninyo, hindi pa rin po sapat yan gawa nga po ng sunod-sunod ang pagtaas. By next week, tataas na naman po ang ating produktong petrolyo.”

Umaasa naman ang grupo na ilalabas ng LTFRB ang Memorandum Circular para sa panibagong taas-pasahe bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nangako rin si Ka Obet sa mga commuter na sisikapin nilang ibalik sa P9 na minimum na pasahe sa jeep oras na magbalik-normal na ang presyo ng petrolyo.

 

Requirements sa pagkuha ng fuel subsidy, pinadali na

Hinimok naman ni Ka Obet ang mga operator ng mga pampasaherong jeep na kunin na ang kanilang mga fuel subsidy.

Aniya, hanggang ngayon kasi ay tambak pa rin sa mga sangay ng Landbank ang mga fuel cards na hindi makuha ng mga operator dahil sa kakulangan sa mga hinihinging dokumento.

Katunayan, giit ni Ka Obet, pinadali na ng LTFRB ang mga requirement sa pagkuha ng subsidiya.

Kinakailangan lang na magdala ang operator ng orihinal na kopya ng Certificate of Public Convinience, OR/CR at I.D. habang sa mga mayroon lamang hawak na Deed of Sale, kailangan itong samahan ng authorization letter mula sa dating may-ari ng prangkisa.

Facebook Comments