Panibagong umento sa sahod, posibleng sa 2025 pa muli ipatupad ayon sa DOLE

Posibleng abutin pa ng isang taon o sa 2025 pa makapagpatupad ang pamahalaan ng panibagong wage adjustment o umento sa sahod ng mga manggagawa.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, kailangan munang makita ang epekto sa 2024 ng mga ipinatupad na wage increase ngayong taon at kung ano ang magiging epekto nito sa mga industriya.

Ikinokonsidera rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang epekto ng dagdag-sahod sa antas ng employment, inflation o bilis ng pagmahal ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, at paglago ng ekonomiya.


Dagdag pa ni Laguesma, binibigyang-pansin nila ang pangangailangan ng mga manggagawa pero ikinokonsidera rin ang kakayahan ng mga employer na magpatupad ng dagdag sahod.

Nilinaw rin ng kalihim na hindi naman kailangang maghain ng petisyon para sa wage hike dahil may mandato rin ang mga regional board na obserbahan ang sitwasyon at antas ng ekonomiya sa kanilang mga lugar.

Mula rito ay maaari din silang magkusa sa pagdinig ng dagdag sahod at makapagpatupad para sa mga manggagawa.

Facebook Comments