Inaprubahan na ng Asian Development Bank o ADB ang panibagong utang ng Pilipinas na nagkakahalaga ng $400 million o katumbas ng P20.9 billion.
Ayon sa ADB, layon ng naturang bagong utang ng bansa na makatulong sa domestic capital markets at masuplayan ang long-term finance lalo na para mapondohan ang mga programa sa imprastraktura.
Tinataya kasi na nasa P2 trillion ang kakulangan o financing gap hanggang sa taong 2030.
Paliwanag pa ng ADB, ang panibagong utang ng Pilipinas ay upang suportahan din ang pagbangon sa mga industriya na matinding tinamaan ng pandemya.
Kabilang dito ang mga Micro, Small, and Medium-sized Enterprises (MSMEs) na itinuturing na “backbone” ng ekonomiya ng Pilipinas.
Naniniwala rin ang ADB na ang bagong utang ay makakatulong din na mailatag ang tamang “environment” para makaengganyo pa ang mga long-term investors.