Panig ng health experts at LGUs, dapat pakinggan ng gobyerno sa planong pagluluwag ng patakaran kaugnay sa COVID-19

Para kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, mas mainam na pakinggan ang mga health experts para sa planong luwagan na ang mga patakaran kaugnay sa pag-iingat laban sa COVID-19.

Giit din ni Recto sa pamahalaan, pagtuunan ang plano at pagpapatupad sa buong bansa ng pagbabakuna para matiyak ang ligtas na pagbubukas ng ekonomiya.

Apela naman Senator Risa Hontiveros, ikonsidera ang posisyon ng Local Government Units (LGUs) na higit na nakakaalam ng sitwasyon sa kani-kanilang lugar.


Sabi ni Hontiveros, dapat maghinay-hinay ang Inter-Agency Task Force (IATF) at bago magdesisyon ay dapat may koordinasyon sa mga lokal na opisyal.

Umaasa naman si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na pag-aaralang mabuti ng IATF kung napapanahon na ba ang unti-unting pagluluwag kahit nananatili pa rin ang mataas na banta ng COVID-19.

Kumbinsido si Zubiri na mas mainam na hintaying magsimula ang vaccination roll out ng gobyerno dahil parating na rin naman ang mga bakuna.

Sinabi naman ni Senator Koko Pimentel, ang lahat ng regulasyon sa gagawing pagluluwag sa pinatutupad na restriction sa bansa ay dapat hindi humihikayat ng mass gathering dahil ang COVID-19 ay isang “disease of crowds” o sakit na kumakalat sa mga lugar na maraming tao.

Pinapatiyak naman ni Senator Sonny Angara na manatili ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.

Giit naman ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go, delikado pa ang sitwasyon lalo’t hindi pa nag-uumpisa ang ating pagbabakuna.

Pahayag ito ng mga senador sa harap ng planong ilagay na ang buong bansa sa Modified General Community Quarantine (MGCQ), buksan na ang mga sinehan at arcades at palawakin pa ang edad na maaari ng lumabas ng bahay.

Facebook Comments